Habang nananatili sa Alert Level 1 ang estado ng Bulkang Mayon, nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng isang volcanic earthquake sa nakalipas na 24 oras ayon sa pinakahuling ulat ngayong araw, January 20, 2025.
Sa kabila nito, nakapagtala din ang ahensya ng mahinang crater glow sa bunganga ng bulkan na naaaninag lamang sa telescope.
Nasa 465 tonelada kada araw ng sulfur dioxide ang ibinuga ng Bulkang Mayon base sa monitoring ng ahensya, noong January 6, at katamtamang pagsingaw o plume na may taas na 400-metro na napadpad sa kanluran.
Nagkaroon din ng panandaliang pamamaga ang bulkan.
Ipinagbabawal din ang pagpasok sa loob ng 6-km permanent danger zone, at paglipad ng ano mang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Nagbigay din ng paalala ang ahensya sa publiko, na maaaring maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions sa bulkan o magkaroon ng rockfall mula sa tuktok ng bulkan.
Maaari din maganap ang pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan. | ulat ni Paul Hapin, Radyo Pilipinas Albay
Photo: PHIVOLCS