Kumpiyansa ang Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) na hindi na mauulit muli ang pagkakaroon ng malaki at malawak na operasyon ng iligal na POGO sa Pilipinas, tulad ng una nang nadiskubre ng pamahalaan sa Bamban.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz, na bukod kasi sa pinahigpit na kampanya na ginagawa ng national government laban dito pinalalakas na rin nila ang kaalaman ng mga komunidad kontra POGO.
Tulad aniya ng una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., hindi tatayo ang isang POGO operation sa isang local government unit nang hindi nalalaman ng mismong baranggay.
“Iyon ang tingin ko, hindi na siguro mangyayari iyan. Kasi doon sa meeting na ginawa namin with the President, ang sabi niya, hindi siya naniniwala sa sinasabi ng local government na bigla na lang sumulpot iyong mga POGO hubs na iyan o iyong mga POGO operations without the knowledge ng mga local government officials, especially iyong sa barangay kasi nga, ultimo iyong maliit na sari-sari store nakikita ng barangay iyan, kapag tumatayo.” —Cruz
Mangangailangan kasi aniya ng internet connection, computers, at foreign nationals ang mga ito upang maisakatuparan ang kanilang operasyon, at mahihirapan na silang gawin ito ngayong ipinagbabawal na ang POGO operations sa bansa.
Sabi pa ng opisyal, naglabas sila ng audio visual presentation na magsisilbing gabay sa mga komunidad kaugnay sa red flags o mga sensyales na mayroong POGO operations sa kanilang lugar.
“Naglabas kami ng isang audio visual presentation kung saan ipinakikita doon iyong mga red flags, like halimbawa kung biglang dumami iyong foreign nationals doon sa area mo, ‘di ba. Tapos nandoon lang sila sa isang resort, tapos nagpapadala sila from time to time ng pagkain.” —Cruz | ulat ni Racquel Bayan