Naiprisinta na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na layong taasan ng isang taon ang compulsory retirement age ng mga kawani ng pambansang pulisya.
Sa ilalim ng Senate Bill 2926, aamyendahan ang Republic Act 6975 o ang DILG code para gawing 57 years old ang retirement age ng mga officer at non-officer personnel ng PNP…yan ay mula sa kasalukuyang retirement age nilang 56 years old.
Sa sponsorship speech ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairperson Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa panukala, pinunto nitong una nang na-adjust ang retirement age ng mga AFP personnel sa 57 years old nang maisabatas ang RA 11939.
Nararapat lang aniyang i-adjust rin ang retirement age ng PNP, dahil dapat ay iisa lang ang galaw ng PNP at AFP at hindi maaaring mauunang magreretiro ang mga pulis.
Matatandaang una nang na-veto ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang PNP Reform bill noong Hulyo, kung saan isa sa mga probisyon ang pagpapalawig ng retirement age ng mga pulis.
Kaya naman, ayon kay Dela Rosa, isinulong nila ang isang hiwalay na panukala para dito. | ulat ni Nimfa Asuncion