Isa sa nakikitang dahilan ni Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) President at Chief Executive Officer, Emmanuel Ledesma Jr. kung bakit hindi agad nakapagtaas ng benefit package para sa mga miyembro nito ang palaging pagpapalit ng mga head o namumuno sa kanilang korporasyon.
Sa ipinatawag na briefing ng House Committee on Health sa pinalawak na benefit package ng PhilHealth, tinukoy ni Ledesma na mula noong panahon ng Aquino Administration hanggang sa panahon ng Duterte Administration, pumalo sa 11 ang bilang ng mga namuno o namahala sa PhilHealth.
Kulang din aniya ang tauhan ng state health insurer partikular sa kanilang legal, HR, finance at actuary department.
Kasalukuyan naman na aniyang inaaral ng Governance Commission for GOCCs ang proposal nila para magdagdag ng tauhan.
Positibo naman si Ledesma, na malaki ang maitutulong ng itinutulak na digitalization program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para maisaayos at mas maging episyente ang pagbabayad ng claims, benefit packages, at iba pang serbisyo ng state health insurer. | ulat ni Kathleen Forbes