Tiniyak ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) na nananatili silang matatag sa kabila ng kanilang remittance sa Bureau of Treasury na nagkakahalaga ng P107.23 billion.
Sa isang panayam kay PDIC President Roberto Tan, sinabi nito na nasa “good shape” ang deposit insurance at walang dapat ipag-alala ang mga Filipino depositor.
Matapos ang remittance may natitira pa aniyang P202.85 billion sa insurance fund.
Diin ni Tan, kung sakali na may panganib o banta ng “bank collapse” sapat ang pondo ng PDIC para protektahan ang mga depositor.
Nilinaw din nito, na nasa hurisdiksyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang pagsasara ng bangko pero sa ngayon aniya “very healthy” ang banking system alinsunod sa financial indicators. | ulat ni Melany Valdoz Reyes