Pinatatag na ugnayang pandaigdig at paghikayat sa pamumuhunan. Ito ang misyon ng Philippine delegation na inilatag ni Speaker Martin Romualdez sa World Economic Forum (WEF) 2025.
Aniya ang tema ng WEF ngayong taon na “Collaboration for the Intelligent Age,” ay magsisilbing mahalagang plataporma para sa Pilipinas na maibida ang katatagan, inobasyon at economic potential ng ating bansa.
Ang pakikibahagi rin aniya ng Pilipinas sa WEF 2025 ay nagpapakita ng ating commitment na isulong ang kolaborasyon at maka akit ng mamumuhunan para sa isang inklusibo at pangmatagalang kaunlaran.
“I look forward to strengthening our presence at WEF, building on our strong foundation, and forging partnerships that will drive economic growth and sustainability,” saad ni Romualdez.
Ipagpapatuloy aniya nila ngayong taon ang momentum na nasimulan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pakikibahagi sa WEF 2023.
Dagdag pa ng House leader, mahalaga na mapanatili ang tuloy-tuloy na pagpasok ng pamumuhunan sa bansa na magpapatibay sa competitiveness, efficiency, at sustainability ng ating ekonomiya.
Ipinapakita rin aniya ng Pilipinas na handa na ito sa paggampan sa mas malaking papel, kasabay ng nalalapit na pag-upo natin bilang chair ng ASEAN sa 2026.
“Our participation in WEF 2025 serves as a prelude to our ASEAN leadership, showcasing the Philippines’ capacity to drive innovation, foster digital transformation, and champion climate resilience in the region and beyond,” ani Romualdez.
Bahagi ng delegasyon sina Finance Secretary Ralph Recto, Trade Secretary Ma. Cristina Roque, at mga kinatawan mula private sector. | ulat ni Kathleen Jean Forbes