Nagpaalala ang Philippine Red Cross (PRC) sa publiko na bantayan ang kanilang kalusugan kasunod ng pagtaas ng kaso ng non-communicable diseases ngayong bagong taon.
Batay sa datos ng Department of Health, umabot sa 280 ang naitalang kaso ng non-communicable diseases hanggang January 1, 2025.
Sa bilang na ito, 139 ang naitalang mga kaso ng stroke, 70 ang kaso ng acute coronary syndrome, at 73 ang kaso ng bronchial asthma.
Nanawagan si PRC Chairman Richard Gordon sa publiko na iwasan ang mga pagkaing mataba, maalat, at matamis upang maiwasan ang stroke at heart attack. Hinimok din niya ang publiko na huminto sa paninigarilyo upang maiwasan ang hika. | ulat ni Diane Lear