Nakahandang suportahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) partikular sa Central Visayas ang inihandang “Plan Exodus,” ng lokal na pamahalaan ng Canlaon City sakaling magpatuloy ang pagaalburoto ng Mt. Kanlaon.
Ayon kay DSWD FO-7 Regional Director (RD) Shalaine Lucero, habang nananatiling nasa alert status ang bulkan ay tuloy tuloy rin ang prepositioning ng food supplies kabilang na ang non-food items sa warehouses at iba pang storage sites sa Negros Oriental.
Ito ay para masigurong magiging sapat ang suplay ng relief packs lalo na sa mga Internally Displaced Persons (IDPs)
Dagdag pa ng opisyal, mayroon nang nakapreposisyon na 40,122 kahon ng family food packs (FFPs) at 8,948 non-food items (NFIs) sa Negros Island.
Planong paganahin ng LGU ang Plan Exodus sa Canlaon City oras na magpatuloy sa paga-alburoto ang Mt. Kanlaon at itaas ng PHIVOLCS sa Alert Level 4 ang bulkan.
“The DSWD will ensure that the designated centers of these local government units are fully prepared and equipped to accommodate families and individuals who may need to evacuate,” sabi ni DSWD FO-Central Visayas Disaster Response Management Division (DRMD) Chief Lilibeth Cabiara.
Tiniyak naman ng DSWD ang pakikipagtulungan sa Canlaon City LGU para masiguro ang mabilis at maayos na response operation sakaling muling pumutok ang bulkan. | ulat ni Merry Ann Bastasa