Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na mayroong ultimatum para malansag ang active at potential private armed groups (PAGs) hanggang sa Marso.
Ito ay upang matiyak ang seguridad sa darating na Halalan 2025 sa Mayo.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Police Regional Office 3 Director at PNP Concurrent Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, na nagbigay ng ultimatum si PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, na dapat ay malansag na sa Marso ang tatlong natukoy na active PAGs at lima pang binabantayan na potential PAGS.
Ayon kay PBGen Fajardo, ang tatlong active na PAGS ay nasa Region 3, Region 7, at Region 9. Habang limang potential PAGS naman ay nasa Region 1, Region 2, Calabarzon, Region 8, at BARMM.
Dagdag pa ni Fajardo, walang dahilan ang mga field commander para hindi malansag ang PAGs dahil ito ay natukoy na.
Aniya, kung hindi ito mabubuwag ay maaaring magamit ito sa pangha-harass sa eleksyon.
Sa ngayon, wala pang namo-monitor ang PNP na mga “possible employment” ng mga natukoy na PAGs.
Pero ani Fajardo hindi inaalis ng PNP ang posibilidad na maaaring magamit ang mga ito habang papalapit ang eleksyon. | ulat ni Diane Lear