Nagpaalala ang Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) sa mga pulis na naka-deploy sa mga checkpoint ngayong election period na sundin ang mga itinakdang protocol ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, mahalagang tiyakin ang karapatang pantao at tamang proseso upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa law enforcement.
Pinaalalahanan ni Dulay ang mga pulis na gumamit ng body-worn camera o iba pang recording device sa bawat operasyon upang mapanatili ang transparency.
Binigyang-diin din niya ang mahigpit na pagsunod sa Section 84 ng Comelec Resolution No. 11067, na nagtatakda na ang mga checkpoint ay dapat nasa maliwanag na lugar, may koordinasyon sa local election officer, at binabantayan ng mga uniformed personnel na may malinaw na identification tag.
Dagdag pa rito, tanging visual search lamang ang pinapayagan, at hindi maaaring pilitin ng mga pulis na buksan ang trunk o glove compartment ng sasakyan.
Nagbabala ang PNP-IAS sa mga lalabag na pulis ay maaaring maharap sa administrative sanctions.
Mula sa Camp Crame, para sa Bagong Pilipinas, Diane Lear, Radyo Pilipinas, Radyo Publiko. | ulat ni Diane Lear