Nagsagawa ng surprise at random drug test ang Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) sa mga tauhan nito bilang pagtalima sa pinaigting na kampaniya ng PNP kontra iligal na droga.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, napapanahon ang ginawang drug testing lalo na’t simula ng Bagong Taon, upang ipakita na seryoso ang IAS sa pagsusulong ng integridad at pananagutan.
Binigyang-diin ni Atty. Dulay, na mahalaga ang naturang hakbang upang malaman ang tunay na estado ng mga tauhan ng IAS at maipakita sa publiko na karapat-dapat sila sa tiwala nito.
Ang Internal Affairs Service (IAS) ng PNP ay isang independent at autonomous na unit, na may mandato na itaguyod ang pananagutan at integridad sa hanay ng Pulisya. | ulat ni Jaymark Dagala