Mariing itinanggi ng Philippine National Police (PNP) ang alegasyon ng “grand conspiracy” sa kanilang hanay.
Ito ay matapos sampahan ng kaso ang 30 pulis dahil sa umano’y pagtatanim ng ebidensya at unlawful arrest sa isinagawang drug raid sa Maynila noong October 2022.
Sa isang pahayag, sinabi ng PNP na pinananatili ng kanilang hanay ang professionalism, integrity, at accountability. Handa anila ang PNP ang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon upang mapanatili ang tiwala ng publiko.
Inihayag din ni PNP spokesperson Police Brig. Gen. Jean Fajardo na hindi “institutionalized” ang naturang iligal na gawain sa kanilang hanay.
Nilinaw din niyang ang mga reward system ay para lamang sa legal na pag-aresto ng mga wanted na indibidwal, at nakabatay sa mga regulasyon.
Matatandaang sa 30 pulis na kinasuhan, 22 ay aktibong miyembro ng PNP, habang ang iba ay retirado, nagbitiw, o na-dismiss na sa serbisyo, at dalawa ang dating heneral na parehong retirado na. | ulat ni Diane Lear