Magpapatupad ang Philippine National Police (PNP) ng leap-frogging strategy sa darating na Traslacion 2025 sa January 9.
Ito ay upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng mga deboto at mga sasali sa prusisyon.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, magsisimula ang puwersa ng kapulisan sa Quirino Grandstand kung saan mag-iiwan ng skeletal force.
Ayon kay Fajardo, habang umuusad ang prusisyon susunod ang mga pulis hanggang sa Plaza Miranda at Quiapo Church. Kung saan sasabay sa prusisyon ang mga pulis na nakatalaga sa ulunan at likuran na naka-mobile at nakamotorsiklo.
May mga pulis ding maglalakad at nasa gilid ng prusisyon habang ang iba ay nakasibilyan, at hahalo sa mga deboto upang ma-monitor ang sitwasyon.
Ani Fajardo, ito ay upang maiwasan ang mga krimen tulad ng salisi, pagnanakaw, at snatcher dahil maging sa mga religious activity aniya na tulad ng Traslacion ay sinasamantala ng mga kriminal.
Nagpaalala naman ang PNP sa mga debotong sasali sa prusisyon, na iwasan ang pagdadala ng malalaking bag, pagsusuot ng alahas, at pagdadala ng malalaking halaga ng pera at cellphone upang makaiwas sa mga insidente ng krimen. | ulat ni Diane Lear