Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na may mga “persons of interest” na kaugnay sa pagpaslang sa SEA Games gold medalist at miyembro ng Air Force na si Mervin Guarte sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Sa panayam sa Camp Crame, sinabi ni Calapan City Police Chief Lieutenant Colonel Roden Fulache, na may mga nakainuman ang biktima noong isang gabi bago siya saksakin kaninang alas-4:30 ng madaling araw.
Ayon kay Fulache, taga-Batangas si Guarte at bumisita lamang sa lungsod dahil sa imbitasyon ng kaibigang konsehal. Gayunpaman, wala umanong naiulat na nakaalitan si Guarte, at hindi rin siya nagsabi kung may nakaaway sa inuman.
Sa kabila nito, nagawa pa ng biktima na humingi ng tulong matapos siyang saksakin sa dibdib habang natutulog ngunit hindi umano niya nakilala ang salarin.
Isinugod ang SEA Games medalist sa ospital ngunit binawian din ng buhay.
Dagdag ni Fulache, natagpuan ang ginamit na kutsilyo sa sala kung saan nangyari ang krimen. | ulat ni Diane Lear