Tiniyak ni Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan na bukas sa lahat ng mga Manileño ang itinatayong pabahay ng lokal na pamahalaan.
Sa ginawang pagpapasinaya sa San Sebastian Residences sa Quiapo, Maynila, ipinaliwanag ni Mayor Honey na kinakailangan lamang na makipag-ugnayan ang mga nais magkaroon ng bahay sa Urban Settlements Office ng lokal ng pamahalaan.
Sinabi nya, lahat ng mga nais magsumite ng aplikasyon sa nasabing tanggapan ay titingnan ng Manila LGU saka dadaan sa tapat at patas na proseso.
Dagdag pa ng alkalde, lahat ng pabahay project ng lokal na pamahalaan ng Maynila ay magiging rent-to-own upang tuluyan nang makuha ang unit.
Abot-kaya rin ang pagbabayad sa mga pabahay upang kahit papaano ay hindi mahirapan ang mga residente.
Tulad ng Pedro Gil Residences, mayroon din Super Health Center ang San Sebastian Residences kung saan bukod sa konsulta at gamot, may libre rin itong, ECG, ultrasound, laboratory at X-ray. | ulat ni Mike Rogas