Kasado na ang hakbang pang-seguridad ng Davao City Police Office (DCPO) para sa isasagawang National Peace Rally ng Iglesia ni Cristo sa lungsod, ngayong Lunes, Enero 13, 2024.
Inihayag ni DCPO Spokesperson Captain Hazel Caballero-Tuazon, na buong pwersang magbabantay ang kapulisan para siguruhin na magiging maayos at mapayapa ang nasabing rally.
Ayon kay Tuazon, karamihan sa kanilang mga pulis ay ide-deploy sa mga lugar ng mga aktibidad partikular na sa buong stretch ng San Pedro Street at ibang kalapit na mga daanan, kung saan aabot sa 300,000 ang lalahok dito.
Nagpaalala naman si Tuazon sa mga lalahok, hinggil sa mga ipinagbabawal kapag may aktibidad sa lungsod gaya ng pagdadala ng backpacks, pagsusuot ng jacket papasok ng San Pedro Square, pagdadala ng baril at mga matutulis na bagay, inuming nakalalasing, pagpapalipad ng drone at iba pa.
Pinayuhan din ang mga lalahok, na iwasan din ang pagdadala ng mga bata dahil sa inaasahan na siksikan ng mga tao.
Dagdag nito, na dapat maging alisto ang mga sasali sa rally at i-practice ang Culture of Security, sa pamamagitan ng pagbibigay alam sa awtoridad kung may nakitang tao na may kahina-hinalang kilos. | ulat ni Armando Fenequito, Radyo Pilipinas Davao