Nangako si Senate Committee on Public Services Chairman Senador Raffy Tulfo na sisikapin niyang maipasa ngayong 19th congress ang panukalang batas para maging legal na ang mga motorcycle taxis sa Pilipinas.
Ayon kay Tulfo, huling pagdinig na ang ginawa ng kanyang komite kanina at matapos nito ay bubuo na sila ng technical working group.
Dahil apat na linggo na lang ang nalalabi bago muling mag session break ang Kongreso, nagbigay ng commitment ang senador na hahabulin niyang maipasa ang panukalang ito.
Ito lalo na aniya’t nasa limang taon nang naghihintay ang mgas motorcycle taxi rider na ganap na silang maging legal dahil sa nakalipas na mga taon ay pilot study pa lang ang ipinapatupad.
Naniniwala naman si Tulfo na sasang-ayon at pipirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang ito.
Pero kung kakailanganin aniya ay kakausapin niya si Pangulong Marcos para maipaliwanag ang kahalagahan nito.
Sa ngayon ay aprubado na sa Kamara ang motorcycle taxi bill at hinihintay na lang ang bersyon nito ng Senado. | ulat ni Nimfa Asuncion