Sinimulan na ngayong araw ng National Food Authority ang paglalabas ng mga rice stock na ibebenta sa mga lokal na pamahalaan kasunod ng deklarasyon ng Food Security Emergency sa bigas.
Pinangunahan ni Agri Sec. Francisco Tiu-Laurel Jr. at NFA Acting Deputy Admin Engr. John Robert Hermano ang ceremonial turnover at paglagda sa memorandum of agreement sa mga LGU na unang nagpahayag ng interes sa pagbili ng bigas.
Kabilang rito si San Juan Mayor Francis Zamora at Camsur Rep. Lray Villaruerte na present din sa ceremonial turnover sa NFA Warehouse sa Valenzuela.
Sa ilalim ng kasunduan, pangangsiwaan ng Food Terminal Incorporated (FTI) ang bentahan ng bigas sa inisyal na 67 mga LGU na pumayag na magbenta ng NFA rice.
Ang San Juan LGU, nasa 5,000 sakto ang inisyal na bibilhin. Ayon kay Mayor Francis Zamora, agad na aasikasuhin na nila ang pagpick up sa mga sako ng bigas para masimulan ang bentahan nito sa City Hall sa lunes.
Inanunsyo rin ng alkalde na wala na itong ipapatong sa mabibiling bigas sa NFA, kaya P33 kada kilo rin ang magiging bentahan nito sa consumer.
Ganito rin ang commitment ng Camarines Sur LGU na may alokasyon namang 25,000 sako.
Kasunod nito, tiniyak ng DA na makakaasa ang publiko na maayos na kalidad ng ibebentang NFA rice.
Umaasa si Agri Sec. Francisco Tiu-Laurel na maraming LGUs pa ang tatangkilik sa programa na bukod sa magaalok ng murang bigas ay makatutulong din para mailabas na ang mga sobrang buffer ng NFA at bigyang daan ang mga papasok na ani ng mga magsasaka. | ulat ni Merry Ann Bastasa