Nagsagawa ng inspeksyon ang hepe ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na si Jail Director Ruel Rivera sa ilang jail facilities sa Southwestern Tagalog Region nitong Biyernes, February 21.

Ang nasabing inspeksyon ay bahagi ng pagsiguro sa kahandaan at upang palakasin ang moral ng mga tauhan ng BJMP na nakatalaga sa lahat ng city, district, at municipal jails.
Inatasan ni Rivera ang mga jail personnel na mahigpit na ipatupad ang mga alituntunin at regulasyon sa kulungan at ibigay ang buong serbisyo sa mga persons deprived of liberty (PDLs).
Ayon kay BJMP Mimaropa information officer Jail Officer 3 Joefrie Anglo, bumisita si Rivera sa Mamburao District Jail, Sablayan Municipal Jail, at San Jose District Jail sa lalawigan ng Occidental Mindoro.
Tiniyak naman ng BJMP Mimaropa na patuloy silang gumagawa ng mga hakbang para maibsan ang matagal nang problema ng pagsisikip sa mga piitan.
Sinabi ni Anglo na batay sa datos ng Regional Operations Division (ROD), ang BJMP Mimaropa ay nagtala ng jail congestion rate na 169 porsiyento nitong Enero 2025, mas mababa sa mga numero noong nakaraang taon.
Ang downtrend na ito ay dahil sa pagpapabuti ng 19 na pasilidad ng BJMP sa buong rehiyon na nangangasiwa sa kustodiya ng nasa 2,097 PDLs. | ulat ni Jaymark Dagala
IO-BJMP MIMAROPA