Kinumpirma ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na bukod sa swindling ay patong-patong ding mga kaso ang kinahaharap ni Maggie Cacho ang naarestong kandidato sa pagka-gobernador ng Guimaras.
Ayon sa bagong promote na CIDG Director, PMGen. Nicolas Torre III, nakatanggap sila ng utos mula sa Malacañang, sa pamamagitan ni Special Envoy on Transnational Crimes, Amb.r Markus Lacanilao na tugisin at arestuhin si Cacho.
Nakatanggap kasi sila ng impormasyon na ginagamit ni Cacho ang pangalan ni First Lady Liza Araneta – Marcos kung saan aniya’y nagpapakilalang magpinsan sila ng Unang Ginang.
Kasunod nito, sinabi pa ni Torre na ginagamit din ni Cacho ang pagkakataon upang mag-alok ng posisyon sa pamahalaan kapalit ang itinakdang halaga.
Dahil dito, nanawagan si Torre sa iba pang nabiktima ni Cacho na lumutang at magsampa ng kaso laban dito upang mapanagot sa batas. | ulat ni Jaymark Dagala