Muling pinaalalahanan ngayon ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Rafael Calinisan ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na bawal ang mga itong makilahok sa ano mang partisan political activity lalo na ngayong campaign period para sa 2025 Midterm Elections.
Sa isang pahayag, ipinunto ni Commissioner Calinisan, na dapat manatiling neutral ang PNP at hindi dapat mangampanya para o laban sa sino mang kandidato.
Batay rin aniya sa primer on proper decorum ng PNP, bawal mag-post ang mga pulis ng ano mang political content sa kanilang social media o humingi ng suporta para sa ano mang political activity.
Ayon kay Calinisan, dapat na manatiling tapat ang PNP sa konstitusyon at palaging unahin ang kapakanan at interes ng mamamayan bago ang sarili.
“We remind the PNP that the police’s role is to implement the law impartially, without any political color or bias.”
Giit nito, mabigat na parusa ang naghihintay sa sino mang lalabag sa mga batas pang halalan, alituntunin ng civil service, at mga patakaran ng NAPOLCOM at PNP.
Nagpaalala rin ito na walang sino man ang otorisadong gamitin ang pangalan ng Philippine National Police o Philippine National Police Academy, sa anumang partisan political activity dahil maaaring ituring ito ng publiko na pag-eendorso na posibleng magkompromiso sa pagiging neutral ng institusyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa