Tinawag na malisyoso ng Philippine National Police (PNP) ang ipinakakalat na memoranda para sa mga Pulis na nagbigay seguridad sa nakalipas na campaign rally ng Alyansa sa Bagong Pilipinas sa Carmen, Davao del Norte nitong weekend.
Sa pahayag ni Davao City Police Office Acting Director, Police Col. Hansel Marantan na ipinarating sa Kampo Crame, bagaman totoo ang naturang memo, binigyang-diin niyang bahagi iyon ng kanilang standard security measures.
Giit ni Marantan, ang pagpapakalat ng 55 nakasibilyang pulis na nakasuot ng pula ay bahagi ng inner security bilang reinforcement sa Presidential Security Command.
Bagaman kilalang baluwarte ng mga Duterte, nagtungo pa rin doon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang iendorso ang 12 senatoriables ng Administration Party.
Pero binigyang-diin ni Marantan na nananatiling apolitical at non-partisan ang kanilang hanay bilang pagsunod na rin sa direktiba ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil.
Kasabay nito, hinimok ni Marantan ang publiko na huwag nang ipakalat pa ang naturang memoranda dahil nagdudulot lamang ito ng kalituhan at pinagmumulan ng disinformation. | ulat ni Jaymark Dagala