Kinuwestiyon ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang pagsasampa ng kaso ng CIDG laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng naging pahayag nitong papatayin ang mga kasalukuyang senador para magkapuwang ang mga ineendorso niyang kandidato.
Una na kasing inendorso ng CIDG sa DOJ ang pagsasampa ng kasong unlawful utterances at inciting to sedition laban sa dating Pangulo.
Ayon kay Dela Rosa, wala namang complainant sa kaso kaya wala ring maituturing na kaso laban kay Duterte.
Aniya, wala sa labing-limang senador na binirong papatayin ang naghain ng reklamo at wala rin namang pinangalanan si Duterte sa kanyang naging pahayag.
Ipinunto ng senador na bilang bahagi ng proseso, ay dapat may magpunta sa PNP CIDG para maghain ng reklamo.
Gayunpaman, naniniwala si Dela Rosa na kaya namang ipagtanggol ni Duterte ang kanyang sarili bilang isa itong abugado. | ulat ni Nimfa Asuncion