Kinumpirma ni Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) Spokesperson, PLt. Nadame Malang na inalis na muna sa puwesto ang tatlong nilang tauhan matapos masangkot sa insidente ng hindi awtorisadong pagdaan sa EDSA busway.
Ito’y makaraang mahuli ng mga tauhan ng DOTr-Special Action and Intelligence Committee on Transportation (DOTr- SAICT) ang convoy ng isa umanong mataas na opisyal ng HPG na dumaan sa EDSA Busway noong Biyernes.
Nilinaw naman ni PLt. Malang na ang pahayag ng kanilang tauhan na nakuhaan sa video ng SAICT ay personal niyang opinyon at hindi ng tanggapan ng PNP at maging ng Chief PNP.
Sa kabila nito, hindi pa rin inaamin ng HPG kung sino ang sakay ng nasabing convoy.
Nanuna namang itinanggi ni PNP Chief Rommel Francisco Marbil ang pahayag ng isang pulis na pinatitigil niya ang operasyon ng SAICT sa busway.
Ayon kay Marbil, walang basbas mula sa kaniya ang sinabi ng pulis na pagpapatigil sa operasyon ng SAICT. Hindi rin niya umano gawain kailanman na pakialaman ang trabaho o mandato ng ibang ahensya ng gobyerno. | ulat ni Diane Lear