Ipagpapatuloy muli bukas ng House Tri Committee ang pagdinig laban sa fake news, partikular na sa social media.
Kasama rin sa tatalakayin ang isyu ng inilabas na show cause order sa mga social media personalities at vloggers na hindi dumalo sa unang pagdinig ng komite noong Pebrero 4.
Nagbabala ang House Committees on Public Order and Safety, Information and Communications Technology, at Public Information na kung hindi pa rin tatalima ang mga inimbitahan sa naturang show cause order, maaaring umabot ito sa pagpapalabas ng subpoena at pagsasampa ng contempt charges.
Upang mapalawak ang saklaw ng imbestigasyon, ipinatawag din ng Tri-Comm ang mga kinatawan mula sa ibaβt ibang ahensya ng gobyerno, pangunahing social media platforms, mga eksperto sa batas, at mga organisasyon sa media.
Kabilang dito ang Anti-Money Laundering Council, Bureau of Internal Revenue, Department of Information and Communications Technology, at Philippine National Police.
Inimbitahan din ang mga kinatawan ng ByteDance (TikTok), Google Philippines, at Meta (Facebook/Instagram) upang ipaliwanag ang kanilang mga hakbang sa paghawak ng maling impormasyon. | ulat ni Kathleen Forbes