Nakinabang sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang 100 Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) MIMAROPA Information Officer Jail Officer 3 Joefrie Anglo, imbes na community services katulad ng karaniwang atas sa TUPAD beneficiaries, ang PDLs ay sumailalim sa 15 araw na training sa table skirting at napkin folding.

Bawat PDL ay tumanggap ng P430 kada araw, ang umiiral na minimum wage sa standard eight-hour workday sa MIMAROPA.
Dinaluhan din ng mga ito ang oryentasyon na pinangunahan ng DOLE Calapan at PESO Bansud, upang lubos na maunawaan ang kanilang gampanin at contract obligations.

Ang halagang kanilang tinanggap ay inaasahang makatutulong sa kanilang pamilya at magsisilbing gastusin nila sa inaasahang paglaya. | ulat ni Carmi Isles, Radyo Pilipinas Lucena
Photos: JO-3 Joefrie Anglo, IO-BJMP MIMAROPA