Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na may hawak na ang pulisya na dalawang persons of interest (POI) kaugnay sa pagkamatay ng Slovak national sa isang abandonadong chapel sa Brgy. Balabag, Boracay Malay, Aklan.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Colonel Randulf Tuaño, na hindi muna nila papangalanan ang dalawang indibidwal na nasa kanilang kustodiya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon kay Tuaño, ang mga ito ay mayroong kaso sa illegal na droga noong 2024. Paglilinaw pa ni Tuaño, natagpuan ang biktima sa small room ng abandonandong kapilya.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, pinalo sa ulo at inabuso ang biktima bago patayin.
Matatandaang ang biktima na si Michaela Mickova, 23 taong gulang ay naiulat na nawawala noong March 10 sa isla ng Boracay at natagpuang wala nang buhay nitong March 12, 2025.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang PNP sa konsulada ng Slovakia para sa desisyon kung ike-cremate ang labi ng biktima bago ito ibalik sa Slovakia. | ulat ni Diane Lear