Kasado na ngayong araw ang malaking rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial slate sa Tacloban City sa Leyte para suyuin ang mga botante doon.
Ito ang pang-siyam na campaign stop ng koalisyon.
Positibo si Navotas City Representative Toby Tiangco, campaign manager ng ‘Alyansa’, na muling ibibigay ng mga Leyteños ang kanilang buong suporta sa mga senatorial candidates ni PBBM.
“Palaging tumitindig ang mga taga-Leyte para kay Pangulong Bongbong at sa bisyon nito ng mas matatag na Pilipinas. Naniniwala kami na muling susuporta ang Leyteños sa mga lider na magtatrabaho at makikipagtulungan sa administrasyon sa pagdedeliber ng totoong progreso,” paliwanag ni Tiangco.
Mayroon 1.4 milyong rehistradong botante, ang Leyte na kilalang balwarte ng mga Marcos sa Visayas.
Katunayan 641,065 na boto ang nakuha ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa nagdaang 2022 National Elections.
May malalim na political significance ang Leyte sa mga Marcos, bilang ito ang hometown ng ina ni PBBM na si dating First Lady Imelda Marcos, na nagsilbi rin dating representante ng Unang Distrito ng Leyte.
Ang Tacloban City naman, nananatiling nakasuporta sa administrasyon at nagbigay ng malaking boto kay Pangulong Marcos sa nagdaang eleksyon.
Naniniwala si Tiangco na malaking papel ang gagampanan ng Leyte sa pagtitiyak na magkakaroon tayo ng Senado na makikipagtulungan sa ating pamahalaan.
“Pang-siyam na stop namin ang Tacloban, pinalalakas ng bawat campaign leg ang alam na nating lahat –nais ng sambayanan ng katatagan at lideratong pokus ang pambansang kaunlaran,” sabi ni Tiangco. | ulat ni Kathleen Jean Forbes