Isang overstaying na Amerikanong turista ang inaresto ng Bureau of Immigration matapos masangkot sa pambubugbog sa isang lalaki sa loob ng isang five-star hotel sa Parañaque City.
Kinilala ng BI ang suspek na si Evan Ronald Berlin, 31, na nahuli sa kanyang tirahan sa Makati City noong Marso 14.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, isinilbi ang arrest warrant laban kay Berlin matapos siyang ireklamo bilang isang undesirable alien.
Batay sa imbestigasyon, sinaktan umano ni Berlin ang biktima noong Marso 9 matapos siyang komprontahin sa umano’y sekswal na pang-aabuso sa asawa ng biktima. Dahil dito, nawalan ng malay at nagtamo ng pinsala ang biktima.
Dagdag pa ni Viado, si Berlin ay overstaying na rin sa bansa mula Hulyo 2023 matapos mapaso ang kanyang visa extension.
Dahil dito, isasailalim siya sa deportation proceedings.
Samantala, isa pang puganteng Hapon na hinihinalang miyembro ng Luffy Fraud Syndicate ang naaresto rin sa Pampanga noong Marso 15. Kinilala ito bilang Odaira Kai, 35, na umano’y sangkot sa panloloko at pagnanakaw gamit ang mga pekeng ATM cards.
Parehong nakakulong ngayon sa BI custodial facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City sina Berlin at Kai habang hinihintay ang deportasyon. | ulat ni Lorenz Tanjoco