Arestado ang anim na banyagang Tsino at dalawang Pilipino sa isang pinagsanib na operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), at Naval Special Operations Group (NAVSOG).
Kabilang sa mga naaresto si Qiu Feng, na may tunay na pangalan na Ye Tianwu (kilala rin bilang Qing Feng) dahil sa paglabag sa Republic Act 8799 o Securities Regulation Code at RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Maliban kay Ye Tianwu, kabilang din sa mga nahuli sina Xu Xining, Ye Xiaocan, Su Anlong, He Peng, at isang Cambodian na kinilalang si Ang Deck o Dick.
Arestado rin ang dalawang Pilipino na sina Melvin Mañosa Aguillon, Jr. at Jeffrey Espiridion na nagtatrabaho kay Ang Deck/Dick.
Narekober ng mga awtoridad ang ilang cellphone, laptop, isang 9mm baril, at 16 na bala.
Ayon kay SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose Aliño, hindi kailanman magiging ligtas na kanlungan para sa mga lumalabag sa batas ang Subic Bay Freeport.
Binanggit din niya ang kahalagahan ng operasyon sa paglalantad sa mga ilegal na aktibidad gaya ng kidnapping at posibleng espiya na kaugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa lugar.
Ayon pa sa Department of National Defense (DND) nakikipag-ugnayan na umano sila sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang pag-aralan ang posibilidad ng pagdedeklara sa Grande Island at kalapit na Chiquita Island bilang mga military reservation para sa seguridad ng Subic Special Economic Zone, kabilang ang Riviera Wharf at Subic Bay International Airport, alinsunod sa pagpapalakas ng naval base ng Philippine Navy sa kanlurang bahagi ng bansa. | ulat ni Melany Reyes