Mariing kinondena ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) sa Caraga ang pagpatay sa isang buntis na blue shark na natagpuan sa Brgy. Cabayawa, Tubay, Agusan del Norte noong Martes, March 18, 2025.
Ayon sa BFAR, batay sa paunang imbestigasyon, ang naturang blue shark na may habang 2.76 metro ay napagkamalang malaking tuna o marlin.
Dahil sa takot ng mga beachgoer, ito umano ay inatake at hinuli at natagpuan nalang ang pating na may kawil sa bibig at mga sugat sa ulo at buntot. Nakapanganak pa naman umano ito kung saan 29 ang naibalik sa dagat.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, muling nagpaalala ang DA-BFAR Caraga sa publiko sa umiiral na Philippine Fisheries Code, kung saan nakasaad na bawal ang pangingisda, pananakit ng protected shark species at iba pang marine wildlife.
Umapela din ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan, mga mangingisda, at mga komunidad sa baybayin na igalang at protektahan ang marine wildlife at agad ireport ang anumang kaso ng iligal na pangingisda at pagpatay sa yamang-dagat. | ulat ni Merry Ann Bastasa