Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na Korean nationals sa Porac, Pampanga dahil sa iligal na online gambling.
Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng NBI-Pampanga District Office at Philippine Air Force Intelligence ang isang condominium sa Brgy. Sta. Cruz noong Pebrero 27.
Dito nila inaresto sina Kim Minha, Kim Haesu, Kim Minsuu, at Jang Jin matapos mahuling nagpapatakbo ng online gambling hub na walang lisensya mula sa PAGCOR.
Bukod sa pagsusugal, nadiskubre rin ng mga awtoridad na sina Kim Minha at Kim Haesu ay mga puganteng Koreano na wanted sa kasong panloloko sa kanilang bansa. Ayon sa imbestigasyon, miyembro umano sila ng isang voice phishing syndicate na nakapanloko ng halos $840,000 mula sa kanilang mga biktima simula pa noong 2017.
Sa ngayon, hawak na ng NBI ang mga suspek habang nakatakdang humarap sa paglilitis sa Regional Trial Court sa Angeles City. Pinuri ni NBI Director Jaime Santiago ang matagumpay na operasyon at ang kooperasyon ng INTERPOL at Korean authorities para mahuli ang mga dayuhang kriminal. | ulat ni Lorenz Tanjoco