Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang suspek kaninang pasado alas-dos ng madaling araw sa Barangay Luna, Sta. Rosa sa Nueva, Ecija.

Ang mga ito ay sinasabing suspek sa pananambang sa grupo ni Appari, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda.
Isa sa naaresto ay leader umano ng De Guzman Potential Private Armed Group habang miyembro nito ang isa pa.

Ang pag-aresto ay bunsod ng warrant of arrest na inilabas ng Bayombong Nueva Vizcaya Regional Trial Court Branch 28 kaugnay ng anim na bilang ng kasong murder.
Nauna nang pinaghinalaan sa naturang pananambang ang mga suspek matapos na magpanggap na pulis at maharang ang mga ito sa checkpoint sa Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Bayombong Police Station sa Nueva Vizcaya ang dalawang suspek.
Matatandaang nasawi si Vice Mayor Alameda at lima pang tauhan nito noong February 2023. | ulat ni Diane Lear