Lumagda ang Department of Migrant Workers (DMW) at Global Filipino Movement Foundation, Inc. (GFM) sa kasunduan para palawakin ang pagtatayo ng OFW Help Desk Centers.
Ang OFW Help Desk Centers ay magsisilbing himpilan ng mahahalagang serbisyo at tulong para sa mga overseas Filipino workers (OFW) at kanilang mga pamilya.
Pinangunahan nina Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac at GFM Chairman Bishop Efraim Tendero ang paglagda sa memorandum of agreement.
Sa ilalim ng kasunduan, titiyakin ng DMW ang epektibong pagtatag ng mga OFW Help Desk Centers sa mga lokal na pamahalaan at sa ibang bansa. Magbibigay din ang DMW ng suporta sa GFM para sa mga programa nito upang matulungan ang mga OFW.
Kabilang dito ang pagsasagawa ng seminar kaugnay sa anti-illegal recruitment and trafficking in persons, financial seminars, at migration awareness programs sa mga barangay at paaralan.
Ayon kay Secretary Cacdac, patuloy silang makikipagtulungan sa iba pang mga social partner upang palakasin ang mga programa at serbisyo para sa mga OFW at kanilang pamilya. | ulat ni Diane Lear