Naglabas ng infographics ang Department of Finance (DOF) upang ipabatid sa publiko ang katotohanang hindi bangkarote ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa social media post ng DOF, nakasaad dito na hindi kailanman malulugi ang PhilHealth at lalo lamang magpapatuloy ang health services nito para sa mga Pilipino.
Ibinahagi rin ng kagawaran ang naging pahayag ni Health Department Spokesperson at Assistant Secretary Albert Domingo na ang paglilipat ng pondo ng PhilHealth sa national treasury ang naging dahilan kaya pinalawak ang benepisyo ng mga miyembro nito.
Mula 2024, tumaas ang lahat ng benefit package ng PhilHealth upang mabawasan aniya ang gastusin sa mga health services.
Bukod dito, lumago rin nang mahigit apat na beses ang naipon nitong kita mula P109.95 bilyon noong 2019 patungong P464.27 bilyon noong 2023, habang nananatili naman sa P140 bilyon ang average na gastusin sa benefit claims.
Sa kasalukuyan, aniya, may P498 bilyon na pondo ang PhilHealth upang patuloy na palakasin ang inpatient, outpatient, at special benefit package. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes