Itinuturing ni Speaker Martin Romualdez na isang magandang balita para sa mga Pilipino ang naitalang pagbaba ng inflation nitong Pebrero 2025 sa 2.1% mula sa 2.9% noong Enero.
Patunay aniya ito na epektibo ang ginagawang hakbang ng economic team ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para mapababa ang presyo ng bilihin, tiyakin ang food security, at protektahan ang purchasing power ng publiko.
Ani Romualdez, naging hamon ang mga nakaraang taon, ngunit hindi aniya nagsisinungaling ang mga numero dahil bumabagal na ang inflation at lalo pang tumatatag ang ekonomiya ng bansa—at ito aniya ay dahil sa maayos na pamumuno, matatag na polisiya, at katatagan ng mga Pilipino.
Pagtiyak ng lider ng Kamara na susuportahan nila ang pagpapasa ng mga batas na makakatulong para mapagaan ang buhay ng ordinaryong Pilipino.
“This is just the beginning. We will continue working to make sure that this downward trend in inflation translates to more savings, better opportunities, and an improved quality of life for every Filipino. Patuloy nating itutulak ang mga repormang magpapagaan sa buhay ng bawat Pilipino. Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, walang maiiwan!” sabi ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes