Photo courtesy of Cybercrime Investigation and Coordinating Center
Mahigit 20 Pilipina ang matagumpay na nagtapos sa Advanced Digital Forensics training sa ilalim ng US-based National White Collar Crime Center (NW3C).
Ito ay isang malaking hakbang para paliitin ang gender gap sa larangan ng cybersecurity sa bansa.
Ang mga graduate ay mula sa CICC, PNP, AMLA, National Privacy Commission, at Office of Cybercrime. Sila ang kauna-unahang batch ng mga Pilipinang sumailalim sa specialized training na dati ay dominated ng kalalakihan.
Ayon kay CICC Executive Director Alexander Ramos, layunin ng training na ito na basagin ang stereotype at bigyan ng patas na oportunidad ang kababaihan sa digital forensics at cybersecurity.
Sa kabila ng global statistics na nagpapakitang 20-25% lamang ng mga nasa cybersecurity ay kababaihan, patuloy ang CICC sa pagpapalakas ng kanilang kakayahan.
Ang pagsasanay ay sumaklaw sa forensic data acquisition, malware analysis, at advanced investigative techniques. Dahil dito, mas handa na ang mga bagong eksperto na harapin ang lumalalang banta ng cybercrime. | ulat ni Lorenz Tanjoco