Matagumpay ang isinagawang high-level Command Conference ng Philippine National Police (PNP) kung saan, tinalakay ang iba’t ibang usaping bumabalot sa lipunan sa kasalukuyan.
Ayon kay PNP Chief, Police Gen. Rommel Francisco Marbil, kabilang sa mga natalakay ay ang mahigit 18% pagbaba sa antas ng krimen sa bansa gayundin ang pagiging non-partisan ng Pulisya ngayong nalalapit na ang #HatolNgBayan2025.
Dinaluhan ang naturang high level Command Conference ng mga matataas na opisyal ng PNP buhat sa Command Group, Directorial Staff, mga hepe ng National Support Units (NSUs) habang dumalo naman virtually ang mga Regional Director.
Sa naturang pulong, pinapurihan ng PNP chief ang mahigit 18% pagbaba ng naitatalang 8 focus crimes sa loob ng 70 araw o nasa 7,301 mula Enero hanggang Marso ng taong 2025 kumpara sa 8,950 mula Nobyembre 2024 hanggang Enero 2025.
Pangunahin sa mga bumaba batay sa pagkakasunud-sunod ay ang Murder, Homicide, Physcial Injury, Rape, at Theft habang halos walang naging paggalaw sa bilang ng mga kaso ng carnapping ng motorsiklo gayundin ng sasakyan.
Kabilang sa mga rehiyong may kapansin-pansing pagbaba ng krimen ay sa National Capital Region (NCR) gayundin naman ang mga rehiyon ng CALABARZON at Central Visayas.
Samantala, binigyang-diin naman ng PNP chief ang kahalagahan ng propesyonalismo at integridad sa loob ng organisasyon kaya’t pinaalalahan din niya ang mga Pulis na manatiling patas at hindi magpapdala sa ingay-politika.
Kabilang rin sa mga mahahalagang paksang tinalakay sa conference ang seguridad para sa nalalapit na 2025 National at Local Elections at iba pang mga isyung may kinalaman sa kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Mananatiling tapat ang PNP sa misyon nitong protektahan ang bayan at tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng epektibo at maagap na pagpapatupad ng batas. | ulat ni Jaymark Dagala