Nilinaw ni House Secretary General Reginald Velasco na walang magiging paghihigpit ang Kamara sa biyahe ni Davao City Representative Paolo Duterte.
Matatandaan na binigyang otorisasyon ng Kamara si Duterte para sa kaniyang personal na biyahe sa The Netherlands at Japan, mula March 12 hanggang April 15.
Katunayan, maaari rin aniyang humiling ng extension ng biyahe si Duterte lalo na at sa Hunyo pa naman magbabalik ang sesyon ng Kongreso.
“Hindi naman po kasi depende po sa representation sa amin. Kung magpapa-extend po siya, pwede naman namin ibigay ang extension. Kasi po wala namang session, sa June 2 pa ho babalik. So talaga po binibigyan namin ng pagkakataon yung mga congressman na gawin yung kanilang mga bakasyon o campaign para sa re-election po o election sa May 12 po,” paliwanag ni Velasco.
Sakali naman na magbalik sesyon na ang Kongreso ay wala rin aniyang problema kung humiling ng panibagong extension ang mambabatas.
Hindi naman aniya bago ito, dahil may mga mambabatas din na sumusulat na hindi sila makakadalo ng sesyon.
Hindi rin naman aniya siya matutulad sa sinapit ni dating Representative Arnie Teves.
Giit niya na karapatan naman ni Duterte na bumiyahe bilang mambabatas.
“Karapatan niya po yung bilang congressman at bilang anak po ng former president [Rodrigo Duterte]. So nasa sa kanya po yung kung gusto niyang gawin yun, pwede ho siyang humingi sa amin ng extension ng travel abroad,” sabi pa ni Velasco. | ulat ni Kathleen Forbes