Binigyang-diin ni dating Health Secretary at House Deputy Majority Leader Janette Garin na ang pagkakaroon pa rin ng bakuna ang pinakamainam na solusyon para tugunan ang tumataas na bilang ng kaso ng dengue sa bansa.
Inihalimbawa ni Garin ang Brazil at Mexico kung saan napababa sa single digit na bilang ang mga namamatay dahil sa dengue habang ang mga nakatanggap ng bakuna ay hindi na umabot sa severe na kaso.
“Let us look at Brazil [and] Mexico, yung mga bansang gumamit ng bakuna may nagkaka-dengue pa rin pero narinig ko dalawa nalang ang namatay kumpara sa hundreds of thousands,” sabi ng Iloilo first district representative sa isang online press conference.
Diin niya, saying ang oportunidad na ito para sa Pilipinas dahil lang kumalat ang pekeng balita lalo na tungkol sa Dengvaxia vaccine.
Bagamat nakatutulong naman ang panawagan ng DOH na maglinis at magsagawa ng fogging bilang bahagi ng basic prevention ay hindi pa rin aniya ito sasapat.
“The DOH leadership should come forward be part of the solution…palagi nating naririnig sa kanila paulit sinasabi ng DOH maglinis at magpausok, totoo naman ‘yan but ang effectiveness niyan ay hindi kumpleto. Paulit-ulit nang sinasabi ng World Health Organization na dekada na tayong naglilinis subalit hindi ito sapat,” sabi pa niya.
Dagdag pa ng mambabatas na mawawalang saysay kung hindi pa rin agad maaaprubahan ang paggamit ng dengue vaccine dahil magmu-mutate at darami lang kaso ng dengue. | ulat ni Kathleen Forbes