Ipinakalat na ng Police Regional Office (PRO) XI ang mahigit 2,000 tauhan nito sa rehiyon ngayong araw.
Ito ay para tiyakin ang seguridad sa mga lugar na pagdarausan ng kaliwa’t kanang pagtitipong may kaugnayan sa ika-80 Kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ulat ng PNP Public Information Office, aabot sa 2,337 mga Pulis ang ipinakalat sa mga aktibidad sa rehiyon kung saan ay nasa 1,800 dito ay ipinakalat na sa Davao City.
Tiniyak naman ng PNP, na sapat ang bilang ng mga pulis na magbabantay sa rally para sa seguridad at kaligtasan ng lahat ng mga dadalo.
Kaugnay nito, hinimok ng militanteng grupo ang mga Pilipino na dapat alalahanin sa kaarawan ng dating Pangulo ang mga krimeng nagawa nito sa bansa.
Kabilang na rito ang libo-libong nasawi sa madugong kampanya kontra illegal na droga na pinagkaitang magdiwang ng kanilang kaarawan.
Sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, sa halip na birthday candles ay mga kandila sa ibabaw ng mga kabaong ang kanilang ilalatag upang ipanawagan ang hustisya sa mga nasawi sa ilalim ng rehimeng Duterte. | ulat ni Jaymark Dagala