Isang Joint Memorandum Circular ang pinirmahan ngayong Huwebes, March 6, 2025 sa pagitan ng Department of Budget and Management at National Economic and Development Authority o NEDA.
Layon ng nilagdaang JMC na mapalakas pa ang Program Convergence Budgeting Approach na kolaborasyon mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa mga proyekto.
Sa ceremonial signing sa DBM ngayong hapon, personal na dumalo sina Budget Secretary Amenah Pangandaman at NEDA Secretary Arsenio Balisacan.
Ayon kay Pangandaman, pinalalakas ng PCB ang government coordination upang masiguro na iisa ang layunin na umangat pa ang bansa.
Nagiging daan din aniya ito para magbukas ng oportunidad sa partnerships sa development groups at pribadong sektor.
Sinabi naman ni Secretary Balisacan na sisiguruhin ng binuong Steering Committee na gumagana ang sistema at nagkakaroon ng transparency lalo na sa paggastos ng pondo ng bayan. | ulat ni Don King Zarate