Hindi nagkulang ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng maximum tolerance, pagpapakita ng respeto, at pagpayag sa mga kahilingan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, noong sinilbihan ito ng warrant of arrest hanggang sa mai-turnover na ito sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Police Col. Jean Fajardo, ito ay sa kabila ng masasakit na salita, panduduro, pagbabanta, at pisikal na harrassment na tinanggap ng PNP, mula sa pamilya, abogado, at mismong kay dating Pangulong Duterte.
“Aside from General Torre, I myself was also subjected to harsh words, kaya lang sabi nga ni General Torre ay maximum tolerance. Sabi ko nga kung mayroon pang mas mataas sa maximum tolerance, iyon po iyong ipinatupad natin. Kahit minura na tayo, dinuro na tayo,” paliwanag ni Fajardo.
Sa press conference sa Malacañang sinabi ng opisyal na mayroon pang isang babaeng pulis ang nagtamo ng malaking bukol sa ulo, matapos hampasin ng telepono ng common law wife ng dating Pangulo na si Honylet Avanceña.
“In fact, iyong mga pulis natin doon ay pinagmumura din at pinagsabihan ng masasakit na salita. At si Miss Honeylet po, Ma’am, ay pinukpuk pa po sa ulo iyong isang pulis na nag-sustain po ito ng napakalaking bukol po sa kanyang noo po at dinala po sa ospital,” ani Fajardo.
Sa kabila nito, wala ni-isa ang nasaktan sa kampo ng dating Pangulo. “Pero in spite of that, Ma’am, wala pa rin pong nag-harm sa kanila, wala pong nanakit sa mga pulis natin at hinayaan po na ganoon iyong mga pananalita po nila at aksyon po nila sa atin,” dagdag pa ni Fajardo.
Sa katunayan, ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Nicholas Torre, wala ni-isa sa PNP personnel, ang direktang humawak kay dating Pangulong Duterte, bagkus, tanging mga bodyguard lamang ang direktang nakahawak at umalalay sa kanya, mula nang lumapag sa Pilipinas, hanggang sa makalipad palabas ng bansa.
“From start to finish not one of our people touch PRRD, I didn’t allow it. The only people who touch him are his bodyguards, nandoon ho si Romy, yung bodyguard niyang sundalo, may dalawa pang bodyguard.. ito talaga yung umaalalay sa kanya si Romy, plus ang isang personal nurse na isang pulis, then may isa pa pong sundalo na bodyguard na lalaki at isa pang pulis na bodyguard na lalaki. So, iyon lang po ang mga taong humahawak sa kanya diretso, aside from his family and parts of his entourage. Wala po sa mga pulis at hindi po namin hinawakan kailanman si PRRD,” pahayag naman ni Gen. Torre. | ulat ni Racquel Bayan