Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magbibigay ito ng P500,000 na pabuya sa sino mang makapagbibigay ng beripikadong impormasyon sa pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek na namaril at nakapatay sa nagmalasakit na motorcycle rider sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Ginawa ng ahensya ang nasabing hakbang matapos na magtungo kahapon sina MMDA Deputy Chairperson Usec. Frisco San Juan Jr. at Director for Traffic Enforcement Atty. Vic Nuñez, bilang kinatawan ni MMDA Chairperson Atty. Romando Artes, sa burol ng biktimang si Wilmer Zara.

Bukod dito ay nagpaabot din ng tulong-pinansiyal ang MMDA sa pamilya ng nasawi.

Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga pulis para sa kaso, na layong mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng biktima.

Matatandaang nasawi ang biktima matapos barilin sa ulo ng rider na hinabol niya sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong March 14, nang takbuhan ang sumitang MMDA traffic enforcer sa Soliven Street. | ulat ni Diane Lear