Nag paalala ang National Capital Region Police Office o NCRPO sa publiko na manatiling kalmado at mapanuri sa social media, kasunod ng isang kumakalat na video sa Facebook page na “Maranao TV.”
Ayon sa NCRPO, ang naturang video ng isang hindi pa nakikilalang tao, ang nagbabala tungkol sa isang posibleng emergency sa Metro Manila.
Ngunit nilinaw ng NCRPO na matapos ang masusing beripikasyon ng kanilang intelligence units, walang natukoy na banta sa seguridad ng rehiyon.
Tiniyak din ng NCRPO, na may mahigpit na seguridad at contingency plans na handa sakaling may ano mang hindi inaasahang insidente.
Kasalukuyan na ring iniimbestigahan ang pagkakakilanlan ng taong nasa video at ang pinagmulan ng impormasyon.
Paalala ng pulisya, maging mapanuri sa mga nakikita sa social media at agad iulat sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya ang ano mang kahina-hinalang aktibidad. | ulat ni Lorenz Tanjoco