Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa Metro Manila sa pagsisimula ng kampanya para sa mga lokal na kandidato sa March 28 hanggang May 10.
Ayon kay NCRPO Acting Regional Director PBGen Anthony Aberin, tungkulin ng PNP na siguraduhin na ang mga pagpupulong ngayong panahon ng eleksyon ay magiging ligtas at mapayapa.
Sinabi ni Aberin na magpapatupad ang NCRPO ng komprehensibong security coverage sa tulong ng iba pang ahensya ng pamahalaan.
Magkakaroon din ng dagdag na presensya ang mga pulis sa mga matataong lugar, mga campaign rally, at iba pang pampublikong pagtitipon.
Bahagi ito ng plano ng NCRPO upang matiyak na ang bawat botante ay malayang makakalahok sa halalan nang walang pangamba.
Siniguro rin ni Aberin na mananatiling neutral at apolitical ang mga kapulisan sa sinumang kandidato sa darating sa halalan. | ulat ni Diane Lear