Nahuli ng mga Security Screening Officers ng Office for Transportation Security (OTS) ang isang baril na may anim na piraso ng hinihinalang buhay na bala mula sa isang pasaherong papuntang Maynila sakay ng Cebu Pacific Flight 5J 405 nitong Marso 21.
Ayon sa OTS, napansin ni SSO Emyrose Guinto ang kahina-hinalang imahe sa x-ray monitor, kaya’t agad siyang humingi ng tulong kay SSO Fernando John Clavel para sa manual na inspeksyon ng bagahe. Kasama ang Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP), natuklasan ang nakatagong baril at bala.
Dahil dito, inalis ang pasahero sa flight at agad na dinala sa Laoag City Prosecutor’s Office upang sampahan ng kaukulang kaso sa ilalim ng Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at Omnibus Election Code.
Samantala, muling nagpaalala si OTS Administrator Undersecretary Arthur Bisnar sa mga pasahero na sumunod sa airport security policies upang maiwasan ang abala. Para sa impormasyon tungkol sa mga bawal dalhin sa paliparan, maaaring bisitahin ang OTS website at Facebook page. | ulat ni Lorenz Tanjoco