Muling kinalampag ng ilang residente ng Taguig City ang Korte Suprema kaugnay sa kinukuwestiyong ordinansa na dinagdagan ang bilang ng mga konsehal sa lungsod sa 12 mula sa 8.
Batay sa Motion to Allow Joinder of New Party-Petitioners, kailangang magpasa muna ng batas ang Kongreso na pirmado ng Pangulo bago magdagdag ng konsehal sa bawat distrito.
Kaya dapat anilang ipawalang bisa ang ordinansa na tinawag ng petitioners na “invalid”.
Naniniwala rin ang petitioners na minadali umano ang pagpasa ng resolusyon sa Senado habang “ill-advised” naman ang hakbang ng Comelec na kilalanin ang ordinansa.
Ipinupunto ng petisyon na magkakaroon ng legal complications kung hindi agad ito dedesisyunan ng Korte Suprema at hihintayin pang matapos ang eleksiyon sa Mayo.
Dapat na raw agad maaksyunan ng SC ang petisyon upang mabigyan ng sapat na panahon ang Comelec na mag-imprenta ng tamang balota at limitahan lamang sa walo ang konsehal ng bawat distrito.
Dadagdagan ang mga konsehal sa bawat distrito matapos ilipat sa Taguig City ang 10 EMBO barangay na dating bumoboto sa Makati City.
Inihain ang naunang petisyon ni retired SC Justice Dante Tinga habang nagsilbing additional petitioners ang ilang kinatawan mula sa Kababaihan ng Taguig Women’s Association, Upper Bicutan Bayanihan Movement at Tenement Homeowners Association sa Western Bicutan. | ulat ni Don King Zarate