Hindi katanggap-tanggap para kay Senador Sherwin Gatchalian ang impormasyon na nakatakas at hindi nakabalik ng China ang tatlong POGO boss na una nang pina-deport ng Bureau of Immigration.
Sa naging Senate Hearing kahapon, ibinahagi ni Senador Risa Hontiveros na base sa kanyang impormasyon ay nakalabas nga ng Pilipinas ang mga tatlong Chinese POGO boss pero sa lay-over patungong China ay nawala na ang mga ito.
Tinukoy ang tatlong Chinese POGO boss na sina Lyu Xun, Kong Xiangrui, at Wang Shangle.
Para kay Gatchalian, common sense na dapat na sa isang direct flight patungong China isinakay ang mga deportees.
Hindi rin aniya tamang ang tatlo pa ang pinabili ng sarili nilang ticket papalabas ng Pilipinas dahil may budget naman para dito ang BI.
Dahil dito, sinabi ng senador na hindi maiiwasang magkaroon ng duda na mayroong mga tao sa loob ng BI na posibleng nakipagsawatan sa mga POGO boss.
Kaya naman nanawagan si Gatchalian sa Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang insidente.
Balak rin ng senador na maghain ng resolusyon para magsumite ang BI ng report tungkol sa status ng mga deportees. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion