Umaapela ang Malacañang sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na bigyan muna ng pagkakataon si Maguindanao del Norte OIC Governor Abdulraof Macacua, na magsilbi bilang bagong Interim Chief ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pahayag ito ni Communications Undersecretary Claire Castro kasunod ng ibinabang pahayag ng MILF, na hindi pabor sa pagpapalit ng liderato ng BARMM.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng opisyal na prerogative ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtatalaga ng indibidwal na sa tingin niya ay makakatulong sa pagpapaunlad sa lugar.
Sa oras naman na hindi maging maayos ang pamumuno ni Macacua sa BARMM, maaari namang muling silipin ang appointment na ito para sa ikagaganda ng palakad sa rehiyon.
“Sa ngayon po, bagong-bago po, ang hiling po sana natin sa pamunuan po ng MILF ay bigyan po muna ng chance, kapag po hindi naging maayos ang magiging pamumuno po ng bagong na-appoint na ICM, maaari po nating pag-usapan muli ito para po sa ikakaganda ng nasabi poong Bansagmoro, MILF.” -Usec. Castro
Kaugnay nito, kumpiyansa rin ang Palasyo na ang sentimyentong ito ng MILF sa change of leadership sa BARMM, hindi magiging sanhi ng pagka-kompromismo ng peace agreement sa rehiyon.
“Hindi naman po, dahil nasa maganda pong pag-uusap iyan. Sabi nga po natin na since may prerogative po ang Pangulo na maga-point, bigyan lang po natin ng chance, kapag po mayroong hindi naging magandang pangyayari, then that’s the time na the President will make an immediate action.” -Usec. Castro | ulat ni Racquel Bayan